Malayang Pag-iisip

Buwan ng Hunyo deniklara ng Canada sa pamamagitan ng M155 na Filipino Heritage Month! Ang Pamana ng Lahi! Ang mga Pilipino sa Canada ay dapat magsaya dahil ito ay nagpapahiwatig na pagkikilala sa lahi ng mga Pilipino na naninirahan dito sa bansa. Simula sa unang araw hanggang katapusan sa buwan ng Hunyo taon-taon ay kikilalanin ng bawat residente ng Canada ang pagdiriwang ng Lahing Pilipino sa lahat ng mga probinsya ng bansa.

Ito ay magiging napakasayang buwan dahil sagana sa mga piging at kasayahan ang mga Pinoy na likas na masayahin.

Ako’y naaliw sa iba’t ibang naggagandahang suot, awit at sayaw ng mga kababayan, na nagpapaalala ng ating mga katutubong kultura. May mga bata , dalaga at binatilyo na nagpakitang gilas sa kanilang pagsayaw at pagsuot ng mga damit na barong at saya.. Ngunit may iilang mga kababayan dumalo na di alam o ayaw lang nilang pukawin ang dugo ng mga angkan, o di kaya tuloyan ng nakalimutan ang kanilang pinagmulan.

Ang Pilipino ay tanyag at kinikilala sa pagiging maalalahanin, maunawain, masigasig at madaling matuto. Ngunit ang kwento ng aking kaibigan ay di mawaksi sa aking isipan. Ang mga inosenting tanong ay may dalang sundot sa aking dibdib masakit at nalungkot ako sa aking nasaksihan kahapon doon sa pagdalo sa tipon ng pagdiriwang.

Kahapon ay pagkakataon ng bawat Pilipino dito sa Montreal ng bansang Canada na ibahagi ang kulturang Pinoy. Kaya ako kasama ang isang kapwa Bisaya na masaya at sabik mapakilala sa karamihan ang dugo ng kanyang ninuno sa Butuan. Ang naiwanang kultura ng mga ninunong nakatira sa isa sa malaking isla ng Pilipinas, ang Mindanao. Nagkaroon ng pagkakataon maipakita at mapaalala sa bawat Pilipino ang lahi ng mga tribu sa Mindanao . Sabi ng kasama ko marami daw ang nagtatanong ano ang suot namin? Galing din ba kami sa Cordillera o Baguio? Di nila kilala ang kaibahan ng mga suot at napagkamalan pang Igorot. Marami ang nagtanong sa akin pero sila ay banyaga at bisita na nakasalamuha ko, at naiintindihan ko. Kaya ako naroon upang ipaalam sa kanila at pumayag na makunan ng litrato dahil gusto nila ang suot ko at nasiyahan sa konting kaalaman na kanilang nakikita at nasaksihan. Ang luntian at makulay na kultura ng Pilipino.

Naalala ko noon mga nagdaang ilang taon. Noong ang kaulayaw ko ay ang mga bata at magulang na mga mahirap at nabigyan ng pagkakataon mapag-aral sila ng Pribadong organisasyon. Gamit ang Teatro na edukasyon upang mapalabas ang kanilang talento at matuto ng dagdag kaalaman para sa kanilang pisikal at sosyal na edukasyon. Sa konting panahon sinikap kong maibahagi abot ng aking makakaya maituro ang kultura ng Pilipinas. Itinuturo sa kanila kasabay ng pag-aral ng pagsayaw at pagkanta kaya kahit konti alam nila kung ano kaibahan ng Manubo o Mandaya, Igorot o muslim. Naisip ko sa sarili na sana ang mga batang iyon na seryuso sa kanilang mga natutunan ay sana huwag makalimutan datapwat madagdagan ang kanilang mga interes sa pagkilala ng kanilang lahi at angkan.

Kahapon ay isang palaisipan sa akin. Ano nga ba kaya ang takbo ng isip ng bawat Pilipino na nasa ibayong bansa? At ang doon sa Inang bayang Pilipinas? Ngayong taon ng 2019 ay simula na ng taunang pagdiriwang ng bansa sa lahing Pilipino. Marami pa kayang Pilipino ang magkainteres alamin ang makulay, masakit, malungkot at masayang kultura ng Pinoy? Kung ang bawat Pinoy ay araw-araw nakikibaka upang makasabay sa daloy ng tinatawag na “trending Fashion”? Ano kaya ang natututunan ng mga bata sa kanilang paaralan? Nang sa doon matuto kung paano ang dapat na gawing pagbabago upang umusab ng tuluy tuloy ang paglago ng bansa na naaayun sa kulturang Pinoy. Lalo na ang ilan na tunay na Pilipinong wala sa sirkulasyon ng malawak at mabilis na sibilisasyon ng bansa, ngunit may malaking kaalaman at papel sa pagpapatakbo para sa pag-unlad ng bayan?

Kahapon sa lungsod ng Montreal idinaos ang M155 ang aking nasaksihan mula sa mga kababayan…..pilit kong intindihin…. ang mga matatanda, mga tin-edyer at bata …”Divide et impera….at ang ulan ay bumuhos….at umulan ,at umunos…” hay naku! “Pilipino Isang Depinisyon”! Sa kabila ng lahat ako ay bumabati sa inyong lahat. Maligayang pagdiriwang ng Pamana ng Lahi Kabayan! Isang buwang pagdiriwang. Mabuhay ka! Juan, Pedro, Sisa, Maria, Basilio, Crispin, Pepe, Pilar, Tabay, Norainah, Sulayman, Bapa, Fatima…at iba pa Malipayong pagsaulog sa Kaliwatang Pilipino!!!!

Leave a Reply